Tuesday, October 27, 2015

Ang Putang Ina


Ilang milyong tao ang pinapanganak sa isang araw?
Ilan dito ang may taglay na angking kahusayan?
Ilan dito ang nagtataglay ng maririlag na pagiisip?
Ilan dito ang nakatakda sa isang dakilang kapalaran?
Napakarami.

Ngunit nasaan silang lahat?
Waring ang bakas ng kanilang mga paa'y nagsihayo tungo sa baybayin ng inang lupaing nagpasuso't nagaruga sa kanila.
Tila sila'y nagsilakbay sa karagatan ng luha upang masilayan lamang ang mainit na buhangin at ang napakalamig na niyebe.

Kasuklam-suklam.
Iniwan mo ang iyong mga kapatid na nagugutom at nagpapatayan habang ika'y nagiisip sa pagtakas ng sarili't mga minamahal.
Pinagsisilbihan mo ang estrangherong harap-harapang kinakantot ang iyong inang mahal kapalit ang ilang salaping hindi man lang matumbasan ang danak ng iyong pawis.

Hinirang kang bayani ng bayang hindi mo man lamang naisip kahit saglit.
Hinirang kang anak ng isang bayang ni isang beses ay hindi mo nagawang pasanin.
Bayaning magulang, bayaning manggagawa, bayaning iskolar-
mga bayaning pansarili ang layunin.

Nakakatawa.

Ginawa mong puta ang iyong ina.

Monday, October 26, 2015

A la Juventud Filipina de la Nueva Era


Ako na lamag ba ang natitira?
Ako na lamang ba ang natitirang kabataan na suklam na suklam na sa paggising sa kama upang masilayang muli ang isa na namang araw na walang patutunguhan?
Ako na lamang ba ang pagod nang maging alipin ng makinarya nitong sistemang paikut-ikot lamang?
Ako na lamang ba ang hindi na kayang masikmura ang kawalan ng pag-asa dito sa ating lupang mahal,
sa tanawin ng mga musmos na namamalimos upang may makain lamang,
sa mga hangal na nagnanakaw at pumapatay sa dahilang ang kanilang mga kaluluwa’y namatay na sa uhaw—
pinagkaitan ni isang patak man lang ng pag-asa.

Ako na lamang ba?
Kung oo, marahil ay nababaliw lamang ako.
Marahil nga ako’y isang kabataang nasiraan na ng bait.
Sinong may matinong pagiisip nga naman ang magpapakamiserable sa problemang di naman niya pinagdurusahan?
Sino ba namang may matinong kaispan ang iiyak sa sugat na hindi naman niya natamo?
Baliw lamang, hindi ba?

Ngunit anong tawag sa isang kabataang napupuno ng bagabag para lamang sa isang asignatura?
Anong tawag sa isang kaluluwang nagpapakamatay dahil lamang sa mga numerong nakasulat sa papel?
Anong tawag sa isang taong nagbabayad ng pagkalaki-laking salapi para lamang mamulat sa mundong kanya namang minana at tinirahan?

Sino ang baliw?
Sino si Tasyo at sino si Sisa?

Sa kapangyarihan nitong papel at panulat,
lahat ng aking inilalahad ay mistulang makatuwiran.
Ngunit pag naialis na ang mga mata sa mga letra at ang diwa sa bawat salita—
hindi maiaalis kung sino ako.
Mananatiling isang bakanteng silya sa klase,
anak na lalatayan ng sinturon sa puwit,
sampid na kinababahala ng lahat,
pinagiisipan kung ano ba ang mali, kung ano ba ang problema.

Hindi ko maintindihan kung paano sila nakukuntento sa isang buhay na paikut-ikot lamang.
Wala namang naaaliw sa paikut-ikot na elesi.
Wala namang musika sa tunog ng sirang plaka.
Paulit-ulit. Walang patutunguhan. Walang silbi.
Ito lamang ba ang kahulugan ng buhay natin?
Kung gayo’y anong kaibahan nito sa kamatayan?
Para ka lamang gumagawa ng kastilyong buhangin sa baybayin na maya’t maya’y sisrain lang din ng alon.

Marahil ay ito ang kabayaran ng kalayaan.
Ang kasaysayan ay ay naging kasaysayan at nawala sa ating buhay.
Nabuhay tayong payapa’t maginhawa at naniniwala sa kasinungalingang ito ang natural na estado ng mundo.
Ang ligalig at panaghoy ng nakaraan ay naging aliwan na lamang sa mga drama’t pelikula.
Kasabay nito ang pagkamatay ng kahulugan ng buhay,
ang pagkawala ng tunay na kalikasan ng takot,
ang lagim ng kamatayan, ang pagkamatay ng kalayaan, ang kawalan ng kinabukasan ng bayan.

Ngayon, ang kinamulatan kong kabuluhan ng buhay ay ang mabuhay para magaral,
mabuhay para sa sariling pangarap,
mabuhay para sa indibidwal na kinabukasan.
Pinanghawakan ko ito’t pinaniwalaan hanggang nakita ko ang mga kapatid nating nagdurusa—
nabubuhay lamang para manatiling buhay,
bitbit ang pasanin ng bagabag ng kamatayan at kawalan ng pagasa.

Ang kalayaan, ang ginhawa, ang kapayapaan ay isa lamang ilusyon.
Hindi ito ang bunga ng krusada ng ating mga bayani.
Hindi pa.
Hindi ito ang kanilang pangarap ng iisang bayan.
Tayo ay hati.
Hindi ng relihiyon o ideolohiya,
hindi hiwalay sa dalawa o lima.
Tayo’y hati sa isang daang milyon.
Isang daang milyong indibidwal na may kaya-kanyang direksyon na tinatahak,
Isang daang milyong iba’t ibang pangarap at ambisyon,
Isang daang milyong kaluluwa na nabulag sa katotohanan,
Isang daang milyong alipin ng sariling kagagawan.

Mananatili ito, sa kasamaang palad.
Mananatili, tulad ko na isang baliw sa paningin ng aking mga magulang, ng aking mga maestro’t maestra, ng aking mga kabata.
Isa lang din naman ako sa isang daang milyong taong may sariling adhikain.
Nananaginip, tulad ng ating mga yumaong bayani.


Ako na lamang ba ang natitira?
Umaasa akong hindi pa.
Umaasa akong hindi na.